61 panabong na manok nabawi

MANILA, Philippines –  Nabawi ng pulisya ang animnapu’t-isang mamaha­ling manok na panabong mula sa isang farm sa isina­gawang follow-up operation laban sa grupo ng mga pinaghihinalaang notoryus na magnanakaw sa Caloocan City kahapon ng umaga.

Ayon kay Sr. Supt. Jude Wilson Santos, hepe ng Caloocan City Police,  nakatanggap ng tawag ang kanilang himpilan mula kay Governor Josel Collado Baac ng Kalinga Province kung saan ay sinabi nito na may grupo ng kalalakihan ang nagnakaw ng mamahaling panabong na manok sa kanilang lugar at dinala sa Caloocan City.

Mabilis na nagsagawa ng follow-up operation ang mga pulis at ayon sa natanggap nilang impormasyon, dinala ang mga ninakaw na panabong sa Samatad Compound, Brgy. 14, Caloocan.

Bandang alas-8 ng umaga nang puntahan ng mga pulis  ang sinabing lugar ng asset at tumambad sa mga ito ang mga ninakaw na manok na panabong.

Nagsasagawa ng manhunt operation ang mga awto­ridad laban sa mga suspek na nakilalang sina Joel Gamo­ngan; Patrick Ortillano; isang alyas Jeffrey at tatlong hindi pa nakikilalang kalalakihan na mabilis na nakatakas ma­tapos matunungan ang mga paparating na pulis.

Pansamantala namang ikinustodiya ng Caloocan City Police ang mga manok na panabong.

Show comments