Manhunt vs 4 pulis na sangkot sa KFR

MANILA, Philippines - Inutos ni National Capital Regional Police Office (NCRPO) Director, Chief Supt. Nicanor Bartolome ang manhunt at agarang pagsasampa ng kasong kriminal at administratibo sa apat na pulis-Caloocan na pinaghihinalaang sangkot sa ope­rasyon ng kidnap-for-ransom.

Nakaditine ngayon sa Northern Police District detention cell ang isa sa mga suspect na si PO2 Roger Bacanto habang pinaghahanap pa ang mga kasamahan nito na sina PO2 Celedonio Tipon, PO1 Jayjay Vallente at PO1 Venancio Jayoma Jr., pawang mga nakatalaga sa Caloocan police station.

Nabatid na pinasok ng apat na pulis ang bahay ng negosyanteng si Veronica Espejon sa Lot 9 Maharlika Bagong Silang, Caloocan City dakong alas-11 ng gabi noong Disyembre 9. 

Nagpakilala ang apat na mga tauhan ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group.

Agad na kinumpiska ng mga pulis ang Samsung desktop computer ni Espejon dahil sa ebidensya umano ito sa cybersex at tinangay ang 17-anyos na anak nitong  dalagita na si Julie Ann at bisitang si Jemma Pelagio, 42. Tumalilis ang apat na pulis lulan ng isang van.

Muli umanong kumontak kay Espejon ang mga suspect at nanghingi sa kanya ng P100,000 kapalit ng pagpapalaya sa kanyang anak.  Dito na humingi ng tulong ang ginang sa Bagong Silang Police Precinct na nagplano ng entrapment operation.         

Agad na naaresto si Bacanto habang tinatanggap ang P10,000 paunang ba­yad sa naturang operasyon habang nagawang maka­takas nina Tipon, Vallente at Jayoma lulan ng isang motorsiklo. Napalaya naman sina Julie Ann at Pelagio dakong alas-5:30 ng umaga kahapon sa Bgy. Tungko, San Jose del Monte, Bulacan.

Pinuri rin naman nito ang mabilis na aksyon ng Caloocan police sa pagsasagawa ng operasyon kahit na mga kabaro at kasamahan sa istasyon ang sangkot sa krimen.

Show comments