MANILA, Philippines - Patay ang isang negosng tambangan at barilin ng dalawang pulis, kahapon ng umaga sa Las Piñas City.
Dead-on-arrival sa Perpetual Help Hospital ang biktimang si Ma. Cristina Maru, at naninirahan sa #450 Aragon St., Cita Delia Executive Village, Bgy. Pulanglupa Dos, ng naturang lungsod. Nagtamo ang biktima ng mga tama ng bala ng kalibre .9mm pistol sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Naaresto naman ng Las Piñas police ang isa sa mga suspect na si PO2 Bayani Mercado, 32, nakatalaga sa Investigation and Detective Management Section ng San Antonio police sa lalawigan ng Quezon habang nakatakas ang kasamahan nito na si SPO3 Elmer Arrogancia, nakatalaga sa Police Protection Office ng Sta. Cruz police station sa lalawigan ng Laguna.
Sa ulat ng Las Piñas police, naganap ang insidente dakong alas-10 ng umaga sa may Juliana St., Casimiro Village, Pamplona 3. Nabatid na kagagaling lamang ng biktima sa pagdalo sa pagdinig ng kanyang kasong estafa sa Las Piñas Regional Trial Court at pauwi na lulan ng kanyang kotseng Hyundai (JCP-777) nang tambangan ng mga salarin.
Nagkataon naman na nagpapatrulya sa naturang lugar sina SPO1 Johnny Galis na napagsumbungan ng isa sa mga nakasaksi sa krimen kaya mabilis na nakaresponde sa lugar. Dito nadakip si Mercado habang lulan ng minamanehong Honda Civic (ULK-154) habang nakalabas ng kotse at nakatakbo ang kasamahan na si Arrogancia.
Nakumpiska ng pulisya sa loob ng minamanehong kotse ni Mercado ang dalawang kalibre .9mm at dalawang kalibre .45 mga baril, mga bala at magazine at isang belt bag na naglalaman ng isang sachet ng hinihinalang shabu at drug paraphernalias.
Sinabi ni Las Piñas police chief, Sr. Supt. Romulo Sapitula na posibleng miyembro ng “gun-for-hire syndicate” ang dalawang pulis at inupahan lamang sila upang paslangin si Maru na kilalang negosyante ng alahas.
Nabatid na ilang ulit na umanong nagpa-blotter sa pulisya ang biktima ukol sa mga pagbabanta sa kanyang buhay dahil sa dami ng naging kaaway sa negosyo nito sa alahas.