MANILA, Philippines – Nasa kritikal na kalagayan ang isang Japanese national matapos pasukin ang condominium nito at pagsasaksakin ng dalawa sa tatlong suspect sa Pasay City kamakalawa ng gabi.
Isinugod sa San Juan de Dios Hospital ang biktimang si Shoji Usami, 60, taxi operator at residente sa isang condominium sa M. de Jesus St., ng nabanggit na lungsod. Nagtamo ito ng ilang saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Kinilala naman ni P/Chief Inspector Victor Pagulayan, hepe ng Intelligence Unit (IU) ng Pasay City Police ang tatlong suspek na nadakip na sina Michael Villa “alias Taba”, 22; Jay-R Villuan, 24; at Marilyn Borromeo, 32.
Sa imbestigasyon ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-9 ng gabi sa tinitirahang condo ng biktima sa nabanggit na lugar habang nagpapahinga ang biktima, nang biglang pumasok ang dalawang suspek at walang sabi-sabing inundayan ito ng mga saksak sa katawan. Habang si Borromeo naman ay nagsilbing look-out.
Nagawa pang makatakbo ng biktima at makahingi ng tulong sa kanyang anak na si Ryota Usami, 16, na agad namang nagsisigaw kaya’t nakatawag ng pansin sa mga istambay sa labas na naging daan upang madakip ang mga suspect.
Hindi pa malinaw kung ano ang motibo sa pananaksak gayunman, malaki ang paniwala ng pulisya na posibleng pagnanakawan ang naturang dayuhan.