MANILA, Philippines – Patay ang isang bagong silang na sanggol matapos bigtihin ng electrical cord ng kanyang sariling ina na nagkaroon umano ng problema sa pag-iisip dahil sa kahirapan sa buhay, sa Sta. Mesa, Maynila kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni Insp. Armado Macaraeg, hepe ng MPD-Homicide Section ang biktima na si Mharyl Joy Belarmino, 13-days old ng J. Panganiban St., Sta. Mesa, Maynila.
Ginagamot naman sa De Ocampo Memorial Hospital ang suspect na ina na si May Ann Belarmino, 26, na nagtangka ring magpakamatay sa pamamagitan ng paglalaslas sa pulso.
Sa ulat ni SPO2 Henry Ignacio dakong alas-8 ng gabi nang maganap ang insidente sa 2nd floor ng inuupahang bahay ng kuya ni May Ann.
Ayon sa salaysay ni Jeorge Belarmino, 35, isang dental technician, dumating umano siya sa bahay buhat sa trabaho at nakita na lamang na may dugo sa kinahihigaan ng sanggol na pamangkin, habang ang suspect naman ay nakitang may laslas at duguan ang kaliwang pulso.
Ang beybi ay nakakitaan din ng mga sugat sa kaliwa at kanang tuhod at marka ng sakal sa leeg.
Hinihinalang binigti muna ang kanyang anak bago nagtangkang magpakamatay ang ina.
Nabatid na dati na ring nagtangkang magpakamatay si May Ann subalit naagapan naman.
Inamin naman ni Belarmino na may deprensiya sa pag-iisip ang suspect kung saan na-confine ito sa Kadlan Mental Hospital sa Naga City at na-discharge nito lamang April 2010.
Nabatid na kinuha pa ng kanyang kuyang si Jeorge ang biktima sa lalawigan upang sa Maynila manganak at para tulungan dahil sa kahirapan ng buhay.
Binabantayan ng pulisya sa De Ocampo Memorial Hospital ang suspect na pinag-aaralang kasuhan ng parricide dahil sa pagpatay sa anak.