Assistant ni Lim target: Paslit, lasog sa granada, 1 pa sugatan

MANILA, Philippines - Isang 2-taong bata ang namatay habang su­gatan naman ang isa pang dala­gita nang may maghagis ng granada sa executive assistant ni Ma­nila Mayor Alfredo Lim kamakalawa ng gabi sa Tondo, Maynila.

Ayon kay P/Insp. Armand Macaraeg, hepe ng Manila Police District-Homicide Section, idineklarang patay sa Gat Andres Bonifacio Hospital dakong alas-8:30 ng uma­ga ka­hapon ang bik­timang si Hillary Benito, ng Wagas St. Tondo habang nilalapatan ng lunas ang sugatang si Mai­da Malinao, 13, na nagtamo ng mga  shrapnel mula sa sumabog na granada.

Sa imbestigasyon ng MPD-Police Station 2, naganap ang insidente dakong alas-8:00 ng gabi, ka­makalawa sa harap ng no. 1199 Wagas St. Tondo, Maynila.

Bumibili noon ng siga­rilyo si Ret. S/Insp. Olivio Arce, 65, sa tindahang ka­tabi ng kanyang bahay nang may lumagpak na isang bagay sa kaniyang paa.

Agad na napansin ni Arce na isang granada kung kaya’t napasigaw ito ng “granada!” sabay takbo at dumapa sa harap ng bahay ng kapitbahay.

Ilang sandali pa ay nakarinig na siya ng malakas na pagsabog at ang dalawang biktima ay nagkataong naroroon sa lugar.

Nagsasagawa ng follow-up operation ang mga tauhan ng MPD upang maaresto ang sinasabing suspect na isang lalaking nakasuot  ng bonnet, naka-itim na jacket at sakay ng motorsiklo na hindi naplakahan.

Posible umanong si Arce ang target ng suspect.

Dahil dito, inatasan ni Lim ang MPD na tutukan ang kaso dahil nadadamay ang ilang mga inosenteng sibilyan partikular na ang mga paslit.

Sinabi ni Lim na dapat lamang na mapatawan ng parusa ang mga gumawa nito.

Show comments