MANILA, Philippines - Sa kabila ng “travel plan” at matinding pagtuturo ng mga sindikato ng human traffickers at illegal recruiters sa kanilang mga biktima kung ano ang tamang isasagot sakaling tanungin ng immigration officers , anim na Pinoy patungong Italy ang nasabat ng mga operatiba ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ayon kay Immigration Officer in Charge Ronaldo Ledesma, panibagong taktika at style ng sindikato ng human traffickers ang kanilang nadiskubre ng maharang sa NAIA habang papasakay sa eroplano patungong Bangkok at magpanggap na mga turista subalit nang isailalim sa pagtatanong ay nadiskubre na ang tunay na destinasyon ng dalawa ng patungong Milan upang magtrabaho.
Inamin ng dalawa , isang babae at lalaki na nagbayad sila ng halagang P700,000 bawat isa sa recruiters .May hawak ding travel documents ang dalawa kung saan nakalagay ang Manila-Bangkok-Manila, Manila-Bangkok-Paris-Morocco at Bangkok-Paris-Italy- Paris.
Nauna nang nagpresinta ang dalawa sa NAIA ng return tickets kapwa sa business class at ang isa ay mayroon pang $1,200 pocket money dahil dito kayat nagduda ang immigration officers at inirefer sila para sa ikalawang imbestigasyon at sa ilalim ng pagtatanong ng BI Travel Control and Enforcement Unit, inamin nila na pagdating nila sa Thailand ay pinababasura sa kanila ang Manila-Bangkok-Manila itenirary at sabihin sa Thai immigration officers na patungo sila sa Paris at Morocco.
Pagdating naman sa Paris ay sasabihin nila na magtutungo sila sa Italy para mamasyal at babalik sa Paris sa pamamagitan ng train upang mapanindigan na sila ay lehitimong turista at saka sila pupunta sa Milan kung saan nila planong manatili nang matagal.
Nadiskubre din ni Atty. Arvin Santos, BI airport operations Division Chief na mayroon na silang ID kung saan nakasaad na nagtatrabaho sila sa Milan samantalng nakuha mula sa pag-iingat ng dalawa ang isang notebook kung saan nakasulat ang mga instructions ng kanilang recruiters.
Matapos naman maharang ang dalawa, apat pang biktima ang nagboluntaryong huwag nang umalis ng bansa na nasa business class din.