Bebot na barker natagpuang patay

MANILA, Philippines – Isang 34-anyos na bebot na barker ng pampasadang jeep ang natagpuang duguan na may mga saksak sa katawan at malalim na sugat sa ulo sa madamong bahagi ng Lagusnilad sa tapat ng Manila City Hall sa Ermita, Maynila, kamakalawa ng gabi.

Sa ulat ni P/Insp. Armando Macaraeg, ng MPD-Homicide Section, dakong alas-10:30 ng gabi nang matagpuan ang biktimang kinilala ng kanyang live-in partner sa pangalang Angelica Pangilinan na ayon naman sa mga kaibigang dumating sa crime scene ay Jennifer Reyes umano ang tunay na pangalan.

Sinabi ni Macaraeg na namamaga rin ang kanang mata ng biktima habang nakabukas ang zipper ng pantalon at nakalislis ang pang-itaas na bukas din ang butones nito nang matagpuan ng basurero.

Hindi pa matukoy ang motibo sa pamamaslang gayunman, may teorya ang pulisya na posibleng hinoldap din umano ang biktima dahil sa posisyon ng bangkay nito na itinatago ang dalang  handbag.

Inaalam din kung may kinalaman sa trabaho nito ang naganap na pamamaslang.

Show comments