Akyat bahay nakatulog sa niloobang bahay, arestado

MANILA, Philippines – Espiritu ng alak ang nagpahamak sa isang hinihinalang akyat bahay makaraang maaresto ng mga awtoridad nang makatulog ito sa loob ng pinasok na bahay dahil sa sobrang kalasingan, sa Mandaluyong City.

Nakadetine ngayon sa Mandaluyong detention cell ang suspek na nakilalang si Christopher Grumo, 26, nagpakilalang quality controller ng isang kompanya at naninirahan sa Manreza St., Banawe, Quezon City.

Ipinadakip ito ng negos­yanteng si Valentino Torron­tegui, 47, at may-ari ng pina­sok na bahay sa may A.R. Aquino Compound, F. Ortigas St., Mandaluyong.

Sa ulat ng pulisya, nasakote ang suspek na si Grumo pasado alas-4 ng madaling-araw ng mga barangay tanod sa naturang lugar.  Ayon kay Torrontegui, nagising ang kanyang kapatid na si Manuel at bumaba ng bahay nang mapansin ang dalawang lalaki na natutulog sa kanilang sala.

Agad na ginising nito ang kanyang kuya na si Valentino na tumawag sa kanilang barangay hall at humingi ng responde.  Nasakote naman si Grumo habang nakatakas ang kanyang hindi nakilalang kasamahan. 

Nabatid na puwersahang winasak ng mga suspek ang gate at pintuan ng bahay upang makapasok. Nakita rin sa tabi ng natutulog na si Grumo ang CPU (central pro­cessing unit) ng computer set na hinihinalang tatangayin umano nito.

Itinanggi naman ni Grumo ang akusasyon laban sa kany­a. Sinabi nito na lasing na lasing umano siya at pupunta sana sa bahay ng kanyang kasintahan na si Christine na nakatira sa naturang compound. Hindi rin umano niya kilala ang kasamahang lalaki na nakatulog rin na umano’y ang driver ng taxi na kanyang sinakyan.

Hindi naman ito pinaniwalaan ng mga imbestigador matapos na malaman na may ilang buwan nang hindi nakatira sa compound ang sinasabing kasintahan.  Duda rin ang mga pulis kung bakit kailangang puwersahang buksan ang pinto ng bahay at bakit tumakas ang kasamahan nito.

Show comments