MANILA, Philippines - Nagpatupad ng mandatory drug test ang Mandaluyong City Hall sa lahat ng kanilang mga empleyado kasama na ang mga miyembro ng pulisya kapalit ng pagbibigay ng maagang 13th month pay at Christmas bonus sa mga ito. Sinabi ni Mandaluyong Mayor Benhur Abalos Jr. na ginawa nilang panghikayat ang tatanggaping bonus ng kanilang 4,000 empleyado at miyembro ng Mandaluyong police station upang boluntaryong sumailalim ang mga ito sa drug tests na bahagi ng kanilang kampanya kontra sa iligal na droga. Inumpisahan na ang naturang drug test nitong nakaraang linggo kung saan saka lamang ibibigay ang kanilang bonus at cash gift kapag nagsumite na ng kanilang “urine samples” ang mga empleyado, pulis, at maging mga bumbero.