MANILA, Philippines - Hindi matanggap ng isang obrero ang pagpapaalis sa kanya sa inuupahang kuwarto kung kaya nagawa niyang patayin sa saksak ang kanyang kasera sa lungsod Quezon, ayon sa pulisya kahapon.
Ang biktima na nagtamo ng hindi mabilang na tama ng saksak sa buong katawan ay kinilalang si Apolonio Bardaje, 26, ng Lawin St., Unit 5, Brgy. Commonwealth sa lungsod.
Hinahanting naman ng Quezon City Police ang suspect na si Noel Ocong, 25, na mabilis na pumuga makaraan ang pananaksak.
Ayon sa pulisya, naging magagalitin at marahas umano ang suspect sa biktima, matapos na sabihan ito ng huli na maaari nang bakantehin ang inuupahan nitong kuwarto dahil titirhan ito ng kanyang nanay.
Sinasabing nangyari ang pananaksak ganap na alas- 11 ng gabi sa may Lawin St., corner Loro St., Brgy. Commonwealth.
Ayon kay Marabe Bardaje, asawa ng biktima, Agosto ng kasalukuyang taon ng umupa ang suspect at asawa nito sa kanilang paupahang kuwarto.
Pero dahil darating ang kanyang biyenang babae, pinakiusapan umano ng kanyang asawa ang suspect na kung maaari ay bakantehin na ito sa katapusan, bagay na hindi nito nagustuhan.
Dagdag pa ni Marabe, nitong Linggo ay winasak umano ng suspect ang pintuan ng inuupahan nilang kuwarto, pero hindi agad niya nasabi ito sa kanyang asawa dahil nasa trabaho.
Kaya naman kamakalawa ng gabi nang dumating ang kanyang asawa at nalaman ang ginawa ng suspect ay kinompronta niya ito sanhi upang magtalo ang dalawa, hanggang sa mauwi ito sa suntukan.
Nasa kainitan ng pagsusuntukan ang dalawa nang magbunot ng patalim ang suspect at inundayan ng sunud-sunod na saksak sa buong katawan ang biktma saka tumakas.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa nasabing insidente.