MANILA, Philippines - Nalambat na rin ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) kasama ang mga abugado ng Bangko Sentral ng Pilipinas ang isang convicted na bank executive na nagtago matapos mahatulan ng korte sa patung-patong na kaso ng estafa at pamemeke ng commercial document at paggamit ng mga pangalan ng ilang depositor upang makapangutang sa bangko sa Baguio City, kamakalawa.
Nakatakda na ring i-turn-over sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City ang akusadong si Gamaliel de Guzman Ledda Jr., dating Vice-president ng nagsarang Homeowners Savings & Loan Association, Inc. (HOSLA) na matatagpuan sa Homeowners Bank Bldg., Tomas Morato, Quezon City dahil sa iginawad na hatol ng korte na 6 na taong pagkabilanggo at multang P50-libo sa kasong paglabag sa Section 83 ng RA 337, na inamyendahan sa ilalim ng Presidential Decree No. 1795 at kaugnay sa Section 36 ng RA 7653) dahil sa paglilipat ng nakuhang fictitious loan sa kanyang sariling kompanya, habang siya ay Vice-president ng HOSLA.
Ibinaba ang hatol noong Hunyo 22, 2007 ni Judge Rogelio M. Pizarro ng Quezon City Regional Trial Court Branch 222.
Sa rekord ng kaso, ginamit ng akusado ang pangalan ng mag-asawang Serafin at Virginia Soriano upang makautang ng P7,029, 596.667 sa nabanggit na bangko nang walang pahintulot ng mag-asawa.
Sa naturang halaga, ipinasok ng akusado ang P500,000 sa kanyang lending firm na Golden Tiara Lending Investors kaya sinampahan siya ng kaso noong Oktubre 2001. Nagawa niya pang magpiyansa at nag-jump bail nang hindi na lumutang pa sa korte hanggang sa ilabas ang desisyon.
Inaasahan din ng BSP na maihaharap na rin si Ledda sa iba pang nakabinbing kasong isinampa ng BSP .