MANILA, Philippines - Binalaan ang publiko sa mga holdaper na nagpapanggap na ahente ng cable television makaraang mabiktima ang isang ginang ng dalawang suspek, kamakalawa sa Marikina City.
Nalimas ng mga salarin na nagpakilala lamang sa mga alyas na “Marlon at Tisoy” ang mga alahas, salapi at mga mahahalagang kasangkapan sa bahay ng biktimang nakilalang si Jennylyn Mitante, 21, ng Major Dizon St. Brgy. IVC, ng naturang lungsod.
Sa salaysay ng biktima sa Marikina Police, dakong alas-9 ng umaga nang kumatok ang dalawang suspek sa gate ng kanilang bahay at nagpakilalang mga ahente ng isang kompanya ng cable television.
Dahil sa tamis ng pagsasalita ukol sa promo at malaking diskuwento, pinapasok naman ng nag-iisang ginang ang mga salarin sa loob ng kanyang bahay upang pag-usapan ang pagpapakabit ng linya ng cable.
Nang makapasok, agad umano siyang tinutukan ng patalim ng isa sa mga salarin at pinaghubad ng suot niyang damit na ginamit para igapos ang kanyang mga kamay at ipasok siya sa loob ng aparador at ikandado.
Dito matagumpay na nilimas ng mga suspek ang lahat ng makitang gamit, alahas, at kasangkapan na madaling tangayin at mapagkakakitaan bago mabilis na tumakas.