MANILA, Philippines - Naalarma ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa dumaraming bilang ng mga Pinay na naaresto sa ipinagbabawal na gamot bunga na rin sa paggamit sa kanila ng mga dayuhang sindikato bilang drug couriers nito.
“This is not good anymore. The situation is getting out of hand. Seemingly, our countrymen are getting more drastic in their bid to have a good life.” sabi ni PDEA Director General/Senior Undersecretary Dionisio R. Santiago.
Base sa ulat, isang Pinay na naman ang inaresto sa bansang Brazil matapos na makuhanan ito ng limang kilos ng cocaine, at isa pang gurong Pinay naman ang nadakip sa bansang China na nakuhanan ng may 1,996 grams ng heroin.
Naniniwala si Santiago, may nahuhumaling pa ring mga Pinay sa ganitong pamamaraan dahil sa bagong estratehiyang ginagawa ng mga sindikato para makahikayat, matapos ang walang humpay na panawagan na kanilang ginawa sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) kaugnay dito.
Ayon kay Santiago, dahil sa pangyayari, sisikaping doblehin ng kanilang kagawaran bilang co-chair ng inter-agency Task Force on Drug Couriers (TFDC), kasama ang local enforcement agencies, at international counterparts ang pagbibigay impormasyon sa mga kababayang nasa ibang bansa para maiwasto ang naturang problema.
“Kahit anong paalala ang gawin natin sa ating mga kababayan, ay hindi nila ito pinakikinggan dahil na rin sa kahirapan,” dagdag ni Santiago.