MANILA, Philippines - Isang security guard ang hinihinalang gunman sa pag-ambus sa Vice mayor ng Zamboanga del Sur sa Ermita, Manila matapos maiwan umano sa crime scene ang isang identification card nito.
Hindi pa binabanggit ng mataas na opisyal ng MPD ang pangalan sa nakuhang ID na narekober sa pinangyarihan na posibleng nahulog umano sa gunman habang tumatakas matapos ang pamamaril.
Ang isa pang suspect ay nagsilbing driver ng get-away motorcycle.
Bumuo na rin kahapon si MPD Director Roberto Rongavilla ng “Task Force Ocol” na pamumunuan ni Supt. Frumensio Bernal, hepe ng MPD-Station 5 (Ermita) na siyang mag-iimbestiga sa tangkang pagpatay kina Labangan Vice Mayor Ocol Talumpa, 46, at pamangkin at personal bodyguard na si Alimudin Silad, 40.
Nagpalabas na rin ng artist sketch ang MPD ng umano’y gunman.