MANILA, Philippines - Nasorpresa ang pinaghihinalaang notoryus na lider ng kilabot na Fajardo kidnap for ransom (KFR) group matapos itong arestuhin ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) sa pagbaba ng Singapore Airline SQ-910 flight sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kahapon.
Bandang alas -2 ng hapon ng iprisinta sa mediamen ni NBI Director Magtanggol Gatdula ang suspect na si Rolando Fajardo, may patong sa ulong P 1 M. Ayon kay Gatdula, ang suspek ay galing sa Rome , Italy.
Sa tala ng Philippine National Police (PNP) si Fajardo ay ika No. 3 Most wanted na kriminal kaugnay ng patung patong na kaso ng kidnapping at carnapping kung saan sampu ang warrant of arrest laban dito.
Si Fajardo na tubong Calamba, Laguna, ayon sa rekord ay umalis ng Pilipinas noong taong 2001 ay sinasabing isa sa lider ng nasabing grupo at namayagpag noong 1990’s habang ang ama nito ay isa ring notoryus sa KFR at carnapping na namayagpag sa taong 80’s na nakalaya matapos pagdusahan ang kaniyang sentensya.
Samantalang ang kanyang kapatid na si Harold Fajardo na isinasangkot din sa mga katulad na kaso ay hindi pa matukoy ang kinaroroonan.
Nakakabit pa sa tagiliran ni Fajardo ang colostomy bag, dahil naoperahan umano siya sa colon sa Rome, Italy dahil sa kanyang mga karamdaman.
Matagal na umanong minomonitor ng NBI si Fajardo na nagtangka pang bumalik sa bansa gamit ang ibang pangalan subalit dahil sa pangamba sa lumalalang kondisyon ng kalusugan ay napilitang umuwi sa bansa gamit na ang tunay na pangalan.
Nakunan na rin ng mug shot at fingerprint ng NBI si Fajardo at nakatakdang isailalim sa medical check-up bunga ng nakikitang sakit na iniinda nito.
“Nagulat ako kasi ang tagal na nakahinto ang eroplano kahit nakalapag na, kala ko dahil sa ulan, yun pala eto na nga , pahayag ni Fajardo na sinabi pang balak niyang sumuko kaya umuwi para harapin ang kaniyang mga kaso.
Ayon pa sa NBI, hinihintay na lamang nila ang mga kumpirmasyon ng mga korte kung saan nakabinbin ang mga kaso ni Fajardo, para maitakda na ang arraignments sa mga kasong isinampa laban sa suspect.