MANILA, Philippines - Nagulantang ang mahimbing na pagkakatulog ng mga residente sa isang Barangay sa lungsod Quezon matapos na sumambulat ang isang granada na inihagis umano sa bahay ng isang negosyante dito kahapon ng umaga.
Ayon kay Insp. Arnulfo Franco, hepe ng Explosive Ordnance Division ng Quezon City Police, ganap na alas-3 ng madaling araw nang hagisan ng hindi nakikilalang suspect ang bahay ng isang Richard Sy, supplier ng Auto parts sa #112 Sct. Rallos corner Jamboree Brgy. Sacred hearth sa lungsod.
Sinabi ni Franco, isang fragmentation hand grenade model MK1 na pineapple shape ang narekober nila sa lugar na nagdulot ng pagkasira sa plastic roof sa garahe ng bahay ni Sy.
Base sa ulat ng Police Station 10 ng QCPD, natutulog ang biktima nang magulantang ito sa isang malakas na pagsabog mula sa kanyang garahe. Agad na bumangon si Sy kung saan nagulat ito nang makitang wasak ang bubungan ng kaniyang bahay at patay na ang kaniyang asong alaga.
Ayon kay Franco, sa pagsisiyasat na kanilang ginawa, 20 talampakan mula sa garahe natagpuan ang safety pin ng granada na nangangahulugan lamang na mula dito ang layo ng taong naghagis ng eksplosibo.
Bukod sa aso, wala namang ibang nasugatan sa naturang pagsabog, habang patuloy ang pagsisiyasat ng QCPD sa nasabing insidente.