Bebot tumalon sa ilog, patay

MANILA, Philippines - Isang hindi pa nakikilalang babae na tumalon mula sa tulay at bumagsak sa San Juan River, sa Sta, Mesa, Maynila, ang natagpuan kahapon ng madaling-araw.

Inilarawan ang biktima sa edad na 18-22, may taas na 5’2, hanggang balikat ang haba ng buhok, may kata­baan, nakasuot ng kulay puting t-shirt at pulang short pants.

Sa ulat ni SPO2  Edgardo Ko ng Manila Police District-Homicide Section, naganap ang insidente sa pagita ng 1:45 hanggang 2:00 ng madaling-araw sa tulay ng San Juan na sakop ng Old Sta. Mesa, Maynila.

Sinabi  ni Jinky Lanuza, 24 ng no. 488 Guadalcanal St., Sta. Mesa, Maynila, nakatayo siya  sa kanilang terrace­ kung saan abot-tanaw nito ang San Juan River nang napuna nito ang grupo ng mga kababaihan na nag-uusap sa nasabing lugar.

Makalipas ng ilang minuto ay umalis ang grupo at naiwan ang biktima. Napansin ni Lanuza na  hindi mapa­kali an biktima dahil pabalik-balik  ang paglalakad nito sa ibabaw ng tulay hanggang sa umakyat sa railing ng tulay, umupo at kumukuyakoy at nakatitig umano sa ilog.

Nang dumating ang dalawa pang babae ay bigla umanong tumalon ang biktima at nakita niyang tumatakbo papalayo ang nasabing mga babae.

 Ipinaalam ni Lanuza sa nakasasakop na barangay ang nasaksihan kaya’t ipinarating ang ulat sa Philippine Coast Guard (PCG). Naahon din ang biktima subalit wala ng buhay nang matagpuan ni Alberto Baria ng PCG. Walang nakitang sugat sa bangkay ng biktima maliban sa bumubula ang bibig nito at ilong.

Show comments