MANILA, Philippines - Nanawagan si Manila Mayor Alfredo Lim sa mga bagong halal na barangay chairman sa tatlong distrito ng Maynila na tigilan na ang partisan politics at isulong ang mga proyektong makabubuti sa kani-kanyang barangay.
Kasabay nito, binati ni Lim ang mga bagong halal na barangay chairman mula sa 1st, 2nd at 4th district bukod sa paalalang huwag nang mamulitika dahil ang kanilang barangay ang nasasakripisyo.
Sa kanyang pagsasalita sa President Restaurant, kasama sina Nino dela Cruz (1st district); Rod Lacsamana (2nd district); Ramon Robles (2nd district); Atty. Bimbo Quintos XIV (4th district), sinabi ni Lim sa mga barangay chairman na huwag sayangin ang internal Revenue Allotment (IRA) na ibinigay sa kanilang barangay at gamitin sa mabuting proyekto.
Sinabi ni Lim na hindi siya makikialam kung saang proyekto gagamitin ang IRA subalit kailangan lamang na tumugma ang kanilang gastusin sa report ng Commission on Audit (COA).
Binigyan-diin ni Lim na hindi umano dapat na gamitin ang IRA sa katiwalian dahil ito ay pera ng bayan.
Idinagdag naman ni Roland Lim, ng Manila Barangay Bureau, hindi umano dapat na sayangin ng mga bagong halal na barangay chairman ang tiwala ng kanilang mga tao sa kanilang barangay.