MANILA, Philippines - Tatlong Indian nationals ang naaresto ng mga ahente ng Bureau of Immigration (BI) dahil sa pagtatangkang pumasok sa bansa gamit ang pekeng entry visas sa daungan ng Zamboanga.
Ayon kay BI Officer in Charge Ronaldo Ledesma ang nasabing mga indian nationals ay biktima ng human trafficking syndicate matapos silang pangakuan na dadalhin sila sa Estados Unidos.
Kinilala ang mga naaresto na sina Davinder Singh, Amritpal Singh Sidhu at Baldev Singh at kasalukuyang nakapiit sa Immigration jail sa Camp Bagong Diwa sa Taguig habang hinihintay ang kanilang deportation kasabay ng paglalagay sa immigration blacklist upang hindi na sila makapasok pa sa Pilipinas.
Ang tatlo ay naharang ng mga immigration officers sa Zamboanga City noong Oktubre 16 matapos na bumaba mula sa M/V Kristel Jane galing sa daungan ng Sandakan, Sabah, Malaysia.
Nakuha mula sa tatlo ang pekeng visa na inaakala nila ay mga genuine visa, kasabay nito inamin din ng tatlo na ang nag- ayos ng kanilang biyahe sa bansa ay sindikato ng human trafficking matapos silang pangakuan ng mga ito na magtutungo din sila sa Estados Unidos matapos na maglakbay sa Malaysia at Pilipinas kasabay ng pagbabayad ng umaabot sa halos kalahating milyon piso.