17-anyos patay sa hazing

MANILA, Philippines - Natagpuan kahapon ng umaga ang bangkay ng isang 17-anyos na bi­na­tilyo na sinasabing na­matay sa hazing at saka isinemento ang katawan sa loob ng isang plastic push cart na drum na lu­­mutang sa Manila Bay sakop ng Binondo, Manila.

Tinutugis na ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) ang ilang miyembro ng Tau Gamma Phi fraternity na nagsagawa base sa report ay siyang responsable sa pagkamatay ng biktima habang ang isa na nakonsensiya ay sumuko kahapon. Nakilala itong si German Palacio, 28.

May tatlong araw na umanong patay ang  biktimang kinilalang si Noel Borja Jr., es­tudyante ng Alter­native Learning School at residente ng Area B, Gate 50,  Parola Compund, Binondo, Manila.

Sa ulat ni SPO3 Paul Dennis Javier ng Manila Police District-Homicide Sec­­tion, dakong alas-9 ng umaga nang mamataan ng dalawang bata ang nakalu­tang na plastic na kariton sa dagat sa tapat  ng Parola Compound.

Nag-agawan pa umano ang 2 bata subalit nang alamin ay nadiskubreng ka­tawan ng tao na nakabaon sa semento ang nasa loob nito.

Nabatid mula sa isang alyas “Joshua”, isa siya sa ni-recruit ng mga miyembro ng nabanggit na fraternity noong Linggo (Oktubre 24) at kasabay niya ang biktima sa initiation rites sa bahay ng isang alyas “Neil” , habang isang alyas “RC” naman ang namuno umano sa hazing.

“Ginamitan ho kami ng paddle at pinatakan ng kandila ang aming katawan,” ani Joshua na naglantad pa ng  namamaga niyang magkabilang hita at mga sugat sa kanang hita dahil sa mga hataw ng paddle. Nang matapos umano ang hazing ay pinagpahinga sila sa isang papag subalit hindi umano nakayanan ng biktima ang sakit ng pagpalo sa kanya hanggang sa sumuka ng dugo at nawalan ng malay.

Nang mapansin na hin­di na umano humi­hinga ang biktima ay agad itong itinali ng mga suspect at kumuha uma­no ng buhangin at se­mento at hinalo.  Hindi na umano niya nakita ang mga sumunod na pangyayari dahil nakatulog siya sa pagod at hirap, ayon pa kay Joshua.

Show comments