MANILA, Philippines - Kinondena ng isang barangay captain ang motibo ni Manila 2nd Councilor Edward Tan sa paggamit umano sa Lion’s Club International upang magsagawa ng libreng medical check up at pamimigay ng libreng salamin sa mga residente ng Bgy. 175, Zone 15 sa pangunguna ni Emelita Ramos, isang empleyado ng Bureau of Internal Revenue at Presidente ng Lakambini Lion’s Club.
Ayon kay Chairman Deng Lopez, nakakapagtaka na itinaon ang medical mission nina Danilo “Boy” Aberin na tumatakbong barangay chairman at Ignacio Ramos na tumatakbong kagawad at asawa ni Emelita dalawang araw bago ang barangay elections.
Sinabi ni Lopez na ang programang isinagawa ay posible umanong magamit ng grupo nina Aberin na sinusuportahan ni Tan sa pangangampanya.
Ang paggamit sa tahanan ni Tan sa kanyang tahanan bilang darausan ng nasabing proyekto ay indikasyon umano ng kanyang pakikilahok sa barangay eleksyon na dapat sana ay non-partisan political activity.