40-footer van ng resin hinaydyak

MANILA, Philippines –  Anim na miyembro ng sindikato ng hijacking ang pinaghahanap ngayon ma­tapos tangayin ang isang 40-footer van na nag­la­laman ng plastic resin, habang pa­palabas ng North Harbor, Tondo, May­nila, kahapon ng madaling-araw.

Sa reklamong inihain sa Manila Police District-Anti Carnapping and Hi-jacking Unit  ng driver ng trailer truck, UEX-376, na si Ale­jandro Lacea, 34, re­sidente ng Angat, Bulacan at pahi­nante nitong si Rolando Besajan, 32, dakong ala-1:30 ng madaling-araw nang maganap ang insi­dente sa Road 10, North Harbor, Tondo, Maynila.

Ihahatid sana  nila ang resin sa bodega nito sa Valen­zuela City nang siga­wan umano siya ng naka­buntot na sasakyang wa­lang ilaw kaya nagmenor si Lacea.

Mabilis umanong nila­pitan sila ng anim na lalaki at puwer­sahang inilabas ng truck at isina­kay sa isang Fortuner na walang plaka.

Anim umano ang mga suspect at ang ilan di­umano ay pawang Chinese-looking.

Sinapak umano sila at pini­ringan ang kanilang mga mata. Narinig nila ang isa sa suspect na may ka­usap sa cellphone sa leng­guwaheng Intsik kaya ang naintindihan lamang uma­no ay salitang “uncle” at “uncle okey na ba?”

Ibinaba sila sa bahagi ng Biak na Bato St., sa Quezon City.

Nalaman na ang na hi-jack na kargamento ay galing sa Singapore at pag-aari ng mga pabrika sa Valenzuela City na guma­gawa ng mga produk­tong plastic.

Show comments