MANILA, Philippines - Hinihinalang hindi na makayanan ang problemang pinansiyal sa pagkakaroon ng dalawang pamilya ang dahilan nang pagbibigti ng isang 43-anyos, kahapon ng hapon, sa Tondo, Maynila.
Dakong ala-1 ng hapon nang ideklarang patay sa Mary Jhonston Hospital ang biktimang si Rodolfo dela Cruz, ng Tondo, Maynila.
Nabatid na alas-12 ng tanghali kamakalawa ng magbigti ang biktima gamit ang isang plastic straw sa hagdanan ng inuupahan nilang bahay subalit naisugod pa siya sa pagamutan ng live-in partner na si Lorie Vecina, 28.
Ayon kay Vecina, naburyong ang biktima dahil sa kaliwa’t-kanang problema sa pera partikular ang bayarin sa inuupahan nilang bahay at renta din sa bahay ng tunay na pamilya nito, pambayad sa hinuhulugang motorsiklo, pambayad sa bill sa tubig at kuryente at ang perang hiniram nilang puhunan sa kanilang paninda.
Nalugi umano sa paninda ang magka live-in at muling nangutang upang simulan ang pagtitindang muli ng mga laruan sa Divisoria subalit masyadong nabibigatan sa kaiisip umano ang nasawi dahil magsisimula pa lamang ay mabigat na ang pangangailangan sa pera.
Gayunman, iginiit naman umano ng mga kapatid ng biktima na imbestigahan si Vecina upang matukoy kung may foul play.
Sinabi naman ni Vecina na siya mismo ang kusang nagpapa-imbestiga sa MPD-Homicide Section upang patunayan na wala siyang kasalanan o ginawang foul play.