MANILA, Philippines - Sinalakay ng mga tauhan ng Pasay Police Anti-Illegal Drugs Special Operations Task Group at Special Ope rations Unit ang isang shabu den kung saan 13 katao ang nadakip, kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ni Pasay City Police chief, Sr. Supt. Napoleon Cuaton ang mga nadakip na tulak na sina Ricardo Cecilio, alyas Geng-Geng at Maricel/Maricris Sioson.
Biniberepika naman ng pulisya ang pagkakakilanlan sa 11 pang katao na nadakip ng pulisya sa naturang pagsalakay at inaalam rin kung nahaharap ang mga ito sa warrant of arrests.
Sa inisyal na ulat ng pulisya, isinagawa ang pagsalakay sa limang palapag na bahay na tinitirhan nina Cecilio at Sioson dakong alas-4:30 ng madaling-araw. Ito’y makaraan ang ilang araw na surveillance operation na isinagawa ng pulisya kung saan nakumpirma ang transaksyon sa iligal na droga at pag-score ng mga user ng shabu sa naturang lugar.
Isinagawa ang pagsalakay sa bisa ng search warrant na inilabas ni Judge Edwin Ramizo ng Pasay Regional Trial Court Branch 114.
Hindi na nakapalag ang mga suspek nang madiskubre sa loob ng kanilang mga bahay ang tinatayang nasa 50 gramo ng hinihinalang shabu, timbangan, P15,000 na kinita ng shabu den sa isang araw at iba’t ibang shabu paraphernalia.