MANILA, Philippines - Binalot ng takot ang mga empleyado ng Philippine Stock Exchange (PSE) sa Makati City makaraang makatanggap ng isang tawag ukol sa itinanim na bomba sa gusali, kahapon ng umaga.
Sa ulat ng Southern Police District (SPD), nabatid na isang librarian ng Ayala Tower One ang nakatanggap ng tawag dakong alas-9:53 ng umaga buhat sa isang lalaki na nagsabi na sasabog ang bomba anumang oras. Agad nitong inalerto ang mga opisyal at seguridad ng gusali.
Isang kumpletong paglikas ng mga manggagawa sa loob ng naturang gusali ang isinagawa sa pangamba na totoo ang naturang banta habang agad na rumesponde ang mga tauhan ng Explosive and Ordnance Division ng Makati City Police.
Nagsagawa ng masusing inspeksyon ang mga tauhan ng bomb squad sa lahat ng palapag ng gusali habang naka-standby naman ang mga tauhan ng Special Weapons and Tactics Unit na lalong naghatid ng pangamba sa mga empleyado, maging ng mga katabing gusali.
Dakong ala-1 naman ng hapon nang muling bumalik sa sesyon ng “stock market trading” ang PSE habang nagsasagawa pa rin ng inspeksyon ang tauhan ng pulisya.
Isinasailalim na rin sa pagtatanong ang empleyado na nakatanggap ng tawag upang makakuha ng dagdag na detalye sa naturang pagbabanta.