MANILA, Philippines - Base na rin sa direktiba ni Pangulong Benigno Aquino III, muling sinampahan ng kasong kriminal si SPO2 Gregorio Mendoza, ang kapatid ng napatay na hostage-taker sa madugong August 23 Quirino Grandstand sa Luneta na kumitil sa buhay ng walong Hong Kong tourists.
Kinumpirma ni C/Insp. Marcelo Reyes, hepe ng Manila Police District-General Assignment Section, nakatanggap sila ng order mula sa Malakanyang na sampahan din ng kasong illegal possession of firearms si Mendoza. Naging batayan sa paghahain ng kaso ang naging testimonya ng assistant negotiator sa hostage incident na si C/Insp. Romeo Salvador.
Nabatid sa naging complaint-affidavit ni Salvador laban kay Mendoza ang paglabag nito sa PNP Memorandum Circular na nagsasabing may polisiya na hindi maaaring magdala ng baril sa oras ng hostage crisis kung hindi siya awtorisado habang nasa site. Una nang sinampahan ng Serious Disobedience (Article 151, Revised Penal Code).Nakatakda na ring basahan ng sakdal si Mendoza sa kasong Serious Disobedience sa Manila Metropolitan Trial Court (MTC) sa Oktubre 26.