MANILA, Philippines - Tahasang itinanggi ni Moactar Daud, ang nahuling driver ng pamilya Ampatuan na wala siyang kinalaman sa naganap na masaker dahil sa matagal na umano siyang wala sa serbisyo nang maganap ang krimen.
Sinabi ni Daud sa panayam ng mga mamamahayag na dalawang taon na umano siyang umalis sa poder ng mga Ampatuan bago maganap ang masaker. Umalis umano siya dahil sa mababa ang kanyang sahod na P4,000 lamang kada buwan.
Nagpasya umano siyang magtago nang makita ang kanyang larawan sa telebisyon na isinasangkot sa masaker. Dahil sa wala umano siyang abogado ay nagtungo siya sa kamag-anak sa Maharlika Village sa Taguig City kung saan namasada siya ng tricycle.
Inamin naman nito na kayang pumatay ng pamilya Ampatuan lalo na ang kanyang amo na si Andal Ampatuan Jr. kung may kapalpakan kang nagawa o kung masyado ka nang maraming nalalaman sa iligal na aktibidad ng pamilya.
Sa ngayon, handa na umano siyang humarap sa korte upang maipagtanggol ang sarili dahil sa alam niyang wala siyang kina laman sa naganap na krimen.
Dinoble naman ng Pasay City Police ang seguridad sa kanilang detention cell sa Station Investigation and Detective Management Section kung saan nakaditine si Daud.