MANILA, Philippines - Matapos na pangaralan ng kanyang ama na maghanap ng trabaho, winakasan ng isang 18-anyos na binata ang sariling buhay nang magbigti sa gilid ng kanilang bahay, kahapon ng madaling-araw sa Pasay City.
Patay na nang madiskubre ng kanyang mga kapitbahay ang nakabiting katawan ni Arjay Faraon, ng Ventanilla St., Pasay. Gumamit ang biktima ng mahabang sintas ng sapatos na isinabit nito sa nakausling kahoy sa bubungan ng kanilang bahay sa isinagawang pagpapakamatay.
Kaagad na kinalag nina Rosalinda Valdez at Michael delos Reyes ang nakapulupot na tali sa leeg ng biktima na isinugod pa sa Pasay City General Hospital si Faraon subalit hindi na umabot pang buhay.
Sa imbestigasyon ng pulisya, sinabi ng ama na si Mang Artemio, 61, na kanyang pinangaralan ang anak ukol sa pagiging tambay nito. Pinagsabihan nito ang anak na maghanap na ng sariling trabaho dahil sa hindi na niya kaya itong buhayin pa dahil sa kanyang karamdaman.
Hindi umano akalain ng matandang Faraon na sa halip na magsilbing hamon ay mas pipiliin pa ng kanyang anak na tuluyang lumisan sa mundo sa halip na magtiyagang maghanap ng trabaho.