MANILA, Philippines - Dismayado ang mga retiradong opisyal ng Bureau of Fire Protection (BFP) sa umano’y planong pagbili ng kagawaran ng depektibong fire trucks na sinasabing luma na at hindi na akma sa kasalukuyang kalagayan ng bansa sa larangan ng pamatay sunog.
Binigyang diin ni dating BFP chief General Enrique Linsangan, representante ng Retired Fire Fighters Association of The Philippines, ang kawalang kakayahan ng nasabing mga truck para sa agarang pagresponde sa lumalalang klase ng insidente ng sunog.
Sinabi ni Linsangan, ang mga bibilhing truck ay gumagamit lamang ng single engine na pambomba o gumagamit ng direct drive. Mayroon anya tayong produkto sa bansa na mas epektibo kaysa sa mga itinapon na lang sa atin.
Dahil naging bihasa bilang driver at pump operator ng pamatay sunog, mariing tinututulan ni Linsangan ang pagtatapon ng surplus firetrucks galing Thailand at Malaysia sa ating bansa.
Dagdag ni Linsangan ang mga second hand PTO fire trucks mula Thailand at Indonesia na bibilhin ay may one-vehicle-one-pumper engine na mabilis na masira o mawasak.
Kinukwestiyon din ng dating opisyal ang alokasyon para dito na maaari anyang mapakinabangan para sa pagsasaayos ng mga truck na ginagamit ng mga kasalukuyang departamento ng pamatay-sunog sa bansa.