MANILA, Philippines - Anim katao ang malubhang nasugatan makaraang bumulusok paibaba mula sa pitong palapag ang sinasakyan nilang elevator sa isang gusali sa lungsod Quezon kahapon ng umaga.
Ang mga biktima na isinugod sa Philippine Orthopedic hospital ay kinilalang sina Noel Guina, 45; Dr. Ma. Lipin,49; Valentino Valentino, 40; Rolando Guina, 52; Jason Guina, 15; at Jasper Guina, 18.
Ayon kay Dr. Jomer Llanes, orthopedic surgeon ng POC, si Noel ay nagtamo ng sprained sa kanang hita; habang si Lipin ay nagtamo ng fracture at femur bone at inilipat na sa Phil. Hearth Center. Ang iba pang biktima ay nagtamo lamang ng mga minor injuries.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, nangyari ang insidente sa may Lansbergh Place na matatagpuan sa Tomas Morato Avenue ganap na alas-11:30 ng umaga.
Ayon sa biktimang si Noel, sakay sila ng elevator 4 papanik sa 9th floor nang biglang magloko ito pagsapit sa 7th floor.
Sinasabing mula sa 7th floor ay nagpabalik balik ito sa dalawang nabanggit na palapag hanggang sa tuluyan na itong bumulusok ng mabilis paibaba sa ground floor, dahilan para magtamo ng mga injuries ang mga biktima.
Agad namang tinulungan ng mga security guard ng gusali ang nasabing mga biktima at dinala sa nasabing pagamutan para malunasan.
Ayon kay Perry Mariano, isa sa mga tenants sa nasabing gusali, dapat managot ang developer ng gusali na 24K na pag aari umano ng isang Rudy Ginhawa, dahil matagal na umanong nirereklamo sa kanila ng mga tenants ang palyadong elevator pero iginigiit pa rin nilang puwede pa itong gamitin.
Partikular anya sa reklamo ng mga tenants ang madalas na paghinto nito at nagba-vibrate, pero patuloy pa ring pinagagamit ito ng administrator ng gusali. Wala rin anyang service elevator ang naturang gusali.