MANILA, Philippines - Nabulabog ang mga empleyado ng Bureau of Immigration (BI) nang magdatingan ang mga tauhan ng Manila Police District (MPD) para galugarin ang mga tanggapan kaugnay sa sinasabing bomba na itinanim dito kahapon ng umaga sa Intramuros, Maynila.
Nabatid na nagpadala ng text sa cellphone ni BI Intelligence chief Atty. Faizal Hussin ang may numerong 0919 4725218 na nagsasabing may sasabog na bomba sa nasabing gusali.
Ayon kay Chief Insp. Oliver Navales, hepe ng Manila Police District-Explosives and Ordnance Division (MPD-EOD), dakong alas-8:30 ng umaga nang matanggap ni Hussin ang mensaheng, “Kaibigan kita. Lumabas na kayo diyan, may sasabog ng 9 am.”
Inaalam din kung may kaugnayan ang mensahe sa mga nag-aalburutong nasibak na 600 empleyado kamakailan.
Nang tawagan umano ang nasabing numero ay nakapatay na umano ang cellphone.
Iniutos naman ni BI officer-in-charge Ronaldo Ledesma ang forced evacuation para sa pagsuyod sa lugar.
Naging negatibo naman sa anumang pampasabog ang kabuuan ng gusali kaya’t bumalik sa normal na operasyon ang tanggapan.
Matatandaang noong nakaraang Lunes ay biglaang kinansela ng San Juan de Letran sa Intramuros , Maynila ang pasok ng lahat ng estudyante at mga empleyado dahil din sa bomb threat na negatibo din sa bomba.