Binata pinagtripan binoga ng addict

MANILA, Philippines - Isang binata ang nasa kritikal na kondisyon matapos itong pagtripang barilin ng isang hinihinalang addict habang nagla­lakad ang una pauwi ng kanilang bahay kahapon ng madaling-araw sa Valenzuela City. Nilalapatan ng lunas sa Valenzuela City General Hospital (VCGH) ang biktimang si Emmanuel Yandoc, 29, ng Diam St., Road 3 Extension, Brgy. Gen. T. de Leon ng nabanggit na lungsod. Nagtamo ito ng tama ng bala sa kaliwang bahagi ng katawan buhat sa hindi pa batid na ka­libre ng baril. Samantala, nagsasagawa pa ng follow-up operation ang mga pulis laban sa hindi pa nakikilalang suspek. Naganap ang insidente dakong ala-1:30 ng madaling-araw sa kahabaan ng Caimito St., Santolan Road, Brgy. Gen. T. de Leon, ng nabanggit na siyudad. Hinala ng pulisya na posibleng napag­tripan ng addict ang biktima at hanggang sa ngayon ay patuloy na iniimbestigahan ang nasabing kaso.

Show comments