MANILA, Philippines - Isinulong kamakailan ni district 2 councilor Precious Hipolito Castelo ang pagtatayo ng Pamantasan ng Lungsod Quezon.
Sa kanyang panukala sa Quezon City council, sinabi ni Castelo na layunin ng naturang pamantasan na tulungan ang lokal na pamahalaan na panatilihin ang ‘support system’ para sa isang pambansang programa ng edukasyon para sa kapakanan ng mga residente ng lungsod.
“The university shall be operated and supported by the city government. The same shall be organized as a corporation,” ani Castelo.
Bilang tagapagsulong ng adbokasiya sa edukasyon, ipinaliwanag ni Castelo na pangungunahan ng naturang pamantasan ang pagbibigay ng de kalidad at abot-kayang edukasyon para sa mga mahihirap ngunit marurunong na mag-aaral sa lungsod.
Samantala, sinabi ni Castelo na bibigyan prayoridad sa enrolment ang mga lehitimong residente ng lungsod at ang mga nagtapos sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa siyudad.