Ex-Vice Mayor tiklo sa marijuana

MANILA, Philippines - Nahuli kahapon ang dating bise alkalde ng Wao, Lanao del Sur sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) terminal 2 matapos madiskubre na may dala itong 13 stick ng pinatuyong marijuana.

Ang suspek na si ex-Vice Mayor Jeremy G. Guiab, 40, ay papunta na sanang Davao City nang makuha sa kanya ang tuyong dahon ng marijuana.

Batay sa report, nasa final security check na si Guiab at nakatakda na sana itong sumakay sa Philippine Airlines flight PR-819 para bumalik sa kanilang lalawigan.

Kusa naman nitong idinaan ang kanyang carry-on bag sa x-ray machine, at habang suma­ilalim ito sa body frisking ay may nakapa ang duty frisker na nakilalang si Nazario Malonzo sa kali­wang bulsa ng kanyang pantalon na tila mga sigarilyo.

Pero nang hilinging ipakita sa frisker ang laman ng kanyang bulsa ay tumambad ang 13 stick ng tuyong marijuana.

Kaagad na ipinagbigay alam ni Malonzo kay PO2 Arlene Albores ang nakumpiskang marijuana kaya’t inimbitahan ng mga awtoridad ang bise alkalde sa kanilang tanggapan.

Matapos makuhanan ng ilang impormasyon ang nasabing opisyal ng Lanao del Sur agad itong isinailalim sa kustodiya ng PNP-NCR Police Center for Aviation Security. (Butch Quejada at Joy Cantos)

Show comments