MANILA, Philippines - Isang tatlong-taong gulang na batang babae ang nasawi makaraang sumabog ang fuse sa poste ng Meralco at tamaan ng pira-piraso nito ang katawan ng una sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.
Kinilala ang biktima na si Janly May Buenaobra, ng Bgy. Gulod, Novaliches, na idineklarang dead-on-arrival sa Novaliches General Hospital.
Sa isinagawang X-ray examination sa bangkay ng paslit nakita ang mga matutulis na bagay malapit sa puso nito.
Sa ulat ng Police Station 4 ng QCPD, lumilitaw na nangyari ang insidente sa may kahabaan ng Villareal St., Brgy. Gulod ganap na alas-4 ng hapon.
Diumano, naglalakad ang magtiyahin sa naturang lugar nang bigla na lamang umalingawngaw ang malakas na pagsabog na galing sa poste ng kuryente.
Ayon kay Janice, nagulat na lang siya nang makitang bumagsak ang pamangkin sa kalye at may lumalabas na dugo sa dibdib nito.
Agad namang itinakbo ang biktima sa Novaliches General Hospital, pero hindi na rin ito umabot pa ng buhay.
Naniniwala ang pamilya ng biktima na ang matulis na bagay na nakuha sa loob ng katawan ng biktima ay ang piraso mula sa sumabog na fuse.
Binanggit sa ulat na madalas umanong nangyayari ang pagsabog ng fuse sa kanilang lugar dahil na rin sa talamak na iligal na koneksyon.