MANILA, Philippines - Dalawang pinaghihinalaang Chinese big time drug trafficker ang nasakote ng mga operatiba ng Regional Anti-Drug Special Operations Task Group (RAIDSOTG) kasunod ng pagkakasamsam ng 9.5 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P39 milyon sa drug-bust operationna isinagawa sa Timog Avenue, Quezon City kamakalawa.
Kinilala ni RAIDSOTG head, Chief Supt. George Regis ang mga suspek na sina Mousong Chen, alyas Mr. Chen, 34, ng Marilao, Bulacan at Qingliang Chen, alyas Cindy Tan, 38, dalaga, tubong Fujian, China ng Binondo, Maynila.
Ayon sa ulat, nasakote ng mga pulis na nagpanggap na buyer ang mga suspek sa may Scout Tobias malapit sa kanto ng Timog Avenue, sa Quezon City sa akto ng bentahan ng shabu.
Nakumpiska sa mga suspek ang tinatayang nasa 9.5 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P39 milyon, isang itim na Toyota Altis (ZFV-143) at isang cellphone na gamit sa iligal na operasyon ng mga suspek.
Nakuha rin sa mga suspek ang buy-bust money na ginamit ng mga pulis.
Nahaharap ngayon ang mga dayuhang suspek sa paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dan gerous Drugs Act of 2002. (Danilo Garcia at Joy Cantos)