MANILA, Philippines - Himas rehas ang isang tulak ng shabu matapos na masakote sa isinagawang buy bust operation ng Quezon City Police District (QCPD) Anti-illegal Drugs Special Operations Task Group (AID-SOTG) iniulat kahapon.
Kinilala ang suspek na si Alton Ladjaalam, Alias Al, 33, ng Lanao Street, Salaam Mosque Compound, sa Barangay Culiat.
Ayon ulat, ganap na alas-5:30 ng umaga nang dakpin ng nasabing operatiba ang suspect sa may tirahan nito ilang minuto makaraan ang isinagawang buy bust operation kung saan nagpanggap na buyer si PO2 Joel Diomampo na nakabili sa kanya ng halagang anim na libo ng hinihinalang shabu. Sinasabing matagal nang minamanmanan ng tropa ang suspect matapos na makatanggap sila ng ulat hingil sa talamak na bentahan ng droga sa nasabing Barangay.
Narekober ng mga operatiba kay Ladjaalam ang isang plastic sachet ng hinihinalang shabu at dalawang piraso ng P500 na ginamitan ng ultra violet powder mula sa kabuuang anim na libong piso bilang ‘mark money’. Kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Dangerous Drugs Act of 2002 ang kinakaharap ngayon ng suspect.