MANILA, Philippines - Magkayakap pang natagpuan ng mga bumbero ang mga bangkay ng isang magkapatid makaraang malitson nang buhay sa loob ng kanilang bahay sa sunog na naganap kahapon ng madaling-araw sa Las Piñas City.
Kinilala ni Las Piñas fire marshall F/Chief Insp. Robert Pacis ang mga nasawi na sina Almeera Nabil Alsaad, 14; at nakababatang kapatid na si Ibrahim, 12, kapwa naninirahan sa Block 37 Lot 18, Anlinox St., BF Resort Village, Brgy. Talon 2, ng naturang lungsod.
Ayon kay Pacis, natagpuan ang bangkay ng magkapatid na magkayakap malapit sa pinto ng bahay at halos hindi na makilala dahil sa sobrang pagkasunog.
Sa inisyal na ulat ng Las Piñas Fire Deparment, unang sumiklab ang apoy sa bahay ng mga biktima dakong alas-3:52 ng madaling-araw na umabot lamang ng unang alarma at naapula dakong alas-4:26 ng madaling-araw.
Sa imbestigasyon, umalis ng bahay ang madrasta ng mga nasawi na si May upang bumili ng pagkain at iniwang natutulog pa ang mga anak ngunit natutupok na ang tahanan sa kanyang pagbalik.
Posible umano na nagtangka pang lumabas ng bahay ang magkapatid ngunit maaaring nawalan ng malay malapit sa pinto dahil sa “suffocation” sa matinding usok hanggang sa tuluyang lamunin ng apoy.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga arson investigators sa pinagmulan ng apoy na sinasabing unang sumiklab sa kisame ng isang palapag na bahay ng mga biktima. Nabatid naman na nagtatrabaho sa ibang bansa ang ama ng mga biktima.