MANILA, Philippines - Nalansag ng mga awtoridad ang isang grupo ng kri minal na sangkot sa panghoholdap sa mga balikbayang Overseas Filipino Workers (OFW’s), dayuhang turista at mayayamang negosyante kasunod ng pagkakaaresto sa lider at tatlo nitong tauhan sa magkahiwalay na operasyon sa Metro Manila, ayon sa PNP kahapon.
Sa press briefing sa Camp Crame kahapon, kinilala ni PNP Chief Director General Jesus Verzosa ang mga nasakoteng “Bundol gang” na sina Raul Lumantas, Junreal Abel Gumanay at Cirilo Paja. Ang tatlo ay natunton sa NAIA Road, Pasay City kamakalawa ilang minuto matapos makatangay ng P17-M sa isa na namang mayamang biktima.
Nabatid na nagkaroon ng maikling palitan ng putok matapos habulin ng mga operatiba ng PNP-HPG ang mga suspect sa bahagi ng South Greenpark Subdivision sa Merville. Parañaque City na nagresulta sa pagkasugat ng mga ito.
Narekober sa mga suspects ang isang M16 rifle, dalawang cal. 45 pistol at isang granada.
Arestado naman sa isinagawang follow-up operations ang lider ng grupo na si Robert Sia alyas Tata Revo. Ayon naman kay PNP-Highway Patrol Group (PNP-HPG) Director Chief Supt. Leonardo Espina ang grupo ni Sia ang sangkot sa serye ng robbery/holdup, hijacking at carnapping kabilang ang pamamaril at pagkasugat ng bayaw ni dating presidential daughter Luli Arroyo na si Jun Bernas.
Si Jun Bernas ay pinagbabaril ng mga suspect ng pumalag habang sapilitang inaagaw ang minamaneho nitong sasakyan na galing sa NAIA sa nangyaring insidente sa kahabaan ng C-5 Road, Pasig City noong Hunyo 19 ng taong ito.
Ayon kay Espina, ang modus operandi ng mga suspect ay ang mambiktima ng mga balikbayang OFW’s, dayuhang turista at mayayamang negosyante sa bisinidad ng NAIA at Domestic airport area na susundan kung saan kapag nakakuha ng tiyempo ay bubundulin ang sasakyan. Kapag bumaba ang driver ng behikulo upang inspeksyunin ang sasakyan ay dito na tututukan ng baril ng mga suspect, aagawin ang sasakyan at magdedeklara ng holdap ang grupo na lilimasin ang mapapakinabangan sa mga biktima partikular na ang alahas at pera.