MANILA, Philippines - Isinara ni Manila Mayor Alfredo Lim ang isang sinehan sa kahabaan ng Rizal Avenue sa Maynila na sinasabing pugad ng prostitusyon kung saan umaabot din sa 100 katao ang nadakip dito.
Kasama sina Chief of Staff at Manila Information Bureau chief Ric de Guzman, Manila Social Welfare and Department chief Jay dela Fuente at District Special Project Unit (DSPU) sa pangunguna ni Chief Insp. Nicolas Piñon, dakong alas-4 ng hapon kamakalawa ng personal na pangunahan ni Lim ang inspeksiyon at tuluyang pagpadlock sa Dilson Theater.
Dalawa din sa mga tauhan ng sinehan ang inaresto.
Ayon kay Lim, marami na siyang natatanggap na reklamo laban sa nasabing sinehan kung saan ginagawa dito ang iba’t ibang uri ng sexual acts ng mga lalaki at bakla.
Agad na pinaberipika ni Lim sa kanyang tauhan na si Peter Tamondong ang report hanggang sa magpositibo at isagawa ang pagsalakay.
Dito ay nahuli sa akto ang dalawang lalaki na nagtatalik sa loob ng sinehan at iba pa na gumagawa din ng kahalayan.
Dinala naman sa Reception Action Center (RAC) ang mga menor de edad habang sasampahan naman ng kaukulang kaso ang mga nasa hustong edad.
Nabatid na maraming paglabag ang nakita ng city government sa Dilson Theater kabilang na ang paglabag sa kalinisan, fire regulations maging ang pagpapagamit nito sa kalaswaan.