MANILA, Philippines - Dedo sa pulisya ang isang lalaking nag-amok na nanghahabol ng itak sa Singalong, Maynila kahapon ng madaling-araw.
Isinugod pa ng mga awtoridad sa pagamutan subalit hindi na umabot ng buhay ang biktimang inilarawan sa edad na 20-25 anyos, may taas na 5’6’’ hanggang 5’7’’, nakasuot ng itim na maong short pants at blue na t-shirt.
Sa ulat ni Det Edison Bertoldo ng Manila Police District-Homicide Section, dakong ala-1:10 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa may Alejo Aquino St., Singalong.
Nabatid na habang nag-iikot ang mobile car no. 3901 na kinalululanan nina SPO2 Jose Dadu, PO3 Jexover Torrifranca, PO3 Lexter Madonba at SPO2 Maximo Bustamante, pawang nakatalaga sa MPD-Station 9 nang salubungin sila ng ilang nagtatakbuhang residente at isumbong ang pag-aamok ng suspect.
Sa pagresponde, namataan umano ng mga pulis na papalapit sa kanilang sasakyan ang lalaki na may hawak ng itak at akmang susugurin sila. Bago pa umano makalapit sa unahang bahagi ng mobile car ang suspect ay pinaputukan na ito ng pulisya.