MANILA, Philippines - Isang dating konsehal sa probinsya ng Bulacan ang nasawi makaraang ratratin ng riding in tandem habang nag-aalmusal sa isang fast food chain sa lungsod Quezon kahapon ng umaga.
Kinilala ni Insp. Norman Cristobal, chief Investigator ng Police Station 10 ng Quezon City Police, ang biktima na si Jose Bladimir Lava, 40, dating konsehal sa Bulacan Bulacan at residente ng Brgy. San Jose Bulacan, Bulacan.
Ayon kay Cristobal, si Lava ay nagtamo ng apat na tama ng bala sa likod at nasawi habang ginagamot sa Saint Luke’s Hospital ganap na alas-11 ng umaga.
Dagdag ni Cristobal, malalim umano ang ugat ng nasabing krimen na ngayon ay kanilang patuloy na sinisiyasat upang matukoy ang nasabing mga salarin at tunay na motibo nito.
Nangyari ang insidente sa Tomas Morato corner Scout de Guia, Brgy. Laging Handa sa lungsod ganap na alas-7 ng umaga habang nag-aalmusal si Lava kasama ang pamangking si Crisanto dela Peña, sa loob isang fast food nang biglang sumulpot mula sa labas nito ang isang suspect na armado ng kalibre 45 baril at pinagbabaril ang walang kamalay-malay na biktima.
Sinasabing tumagos mula sa salamin ng fast food chain ang bala at direktang tumama lahat sa likuran ng biktima dahilan para agad itong bumulagta sa sahig.
Matapos ang pamamaril ay naglakad lamang ang suspect na parang walang nangyari patungo sa kasamahang naghihintay sa may Scout de Guia St., sakay ng HXM motorcycle na walang plaka saka nagsipagtakas.
Sa pagsisiyasat ng pulisya, bago ang pamamaril ay nakatakda sanang katagpuin ng biktima sa nasabing fast food ang kanyang tiyuhing si Atty. Francisco Lava para bisitahin ang kanilang kaibigang naka-confine diumano sa hindi mabatid na ospital.
Ang kaso ay nakatakdang iturn-over sa pangangalaga ng Criminal Investigation and Detection Unit ng QCPD para sa masusing pagsisiyasat sa nasabing kaso.