Driver todas sa kapwa driver

MANILA, Philippines - Isang jeepney driver ang patay maka­ra­ang bistayin ng bala ng isang tricycle driver na nag-ugat sa pagtatalo sa refrige­rator sa lungsod Quezon, ayon sa pulisya kahapon.

Nasawi habang ginagamot sa mga tama ng bala sa buong katawan ang biktimang si Bonafarte Duran, 53, binata Brgy. West Triangle Fairview sa lungsod.

Pinaghahanap naman ang suspect na si Edgar Collado, 45, na mabilis na tu­makas makaraan ang krimen.

Sa pagsisiyasat, nangyari ang insi­dente sa may Roces corner Tulip St., ng naturang barangay pasado ala-1 ng madaling-araw.

Bago nito, nagpunta sina Alfie Saycon at Clifford Tubalia, kaibigan ng biktima sa may Sari-Sari store ng hipag ng huli na si Mrs. Hamraiji Duran para ipaalam dito na hindi gumagana ang binili ng unang refrigerator.

Nasa kainitan ng komprontasyon sina Hamraiji at Saycon nang makialam ang suspect, na umano’y lover ng una, at takutin ang huli sanhi upang magpasya ang mga huling umalis sa lugar kasama ang kaibigan.

Ang pananakot ng suspect ay sinabi ni Saycon kay Bonafarte, dahilan upang sama-sama silang bumalik sa sari-sari store at kinompronta ng huli ang suspect sa pagsasabing “Bakit ka naghahamon.”

Sa puntong ito, agad na naglabas ng kalibre .45 baril ang suspect at pinapu­tukan ng sunod-sunod sa katawan ang biktima saka mabilis na tumakas.

Show comments