Bebot natagpuang patay sa apartelle

MANILA, Philippines - Isang 26-anyos na babae na pinaniniwalaang pinatay sa sakal ang natagpuan sa isang kuwarto ng isang apartelle sa Valenzuela City kahapon ng umaga.

Nakilala lang ang biktima base sa ibinigay na pangalan nang mag-check-in ito na si Joan Jasmin, 26, taga-Pasay City.

Samantala, blanko pa ang pulisya kung sino ang respon­sable sa pananakal at pagpatay sa biktima.

Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, nabatid na dakong alas-7:30 ng umaga nang makitang walang buhay ang biktima sa Room 10 ng Garden’s Apartelle, na matatagpuan sa East Service Road, Barangay Paso de Blas ng lungsod na ito.

May bakas ito ng sakal nang makita ng roomboy na si Manny Costacarlo na naging dahilan upang kaagad na itawag sa mga pulis ang insidente.

Nabatid na mag-isang nag-check-in ang biktima alas-5:28 kamakalawa ng hapon, habang sinusulat ang balitang ito, nagsa­sagawa pa ng malalimang imbestigasyon ang mga awtoridad hinggil sa insidente.

Show comments