MANILA, Philippines - Umaabot sa 8-ektaryang lupa na pag-aari ng pamilya Madrigal ang inilaan ng Quezon City government upang paglipatan ng mga mahihirap sa lungsod na nakatira lamang sa mga lugar tulad ng tabing ilog at mga esteros.
Sa kanyang State of the City Address (SOCA), sinabi ni QC Mayor Herbert Bautista na P50 milyon ang ipambibili ng lokal na pamahalaan sa naturang lupain na matatagpuan sa boundary ng Quezon City at Montalban Rizal.
Nakapagbigay na ng paunang bayad ang pamahalaang lokal ng QC sa pamilya Madrigal para sa pagbili ng lupa na nagkakahalaga ng P700 kada metro kwadrado.
Sinabi ni Bautista na kumikilos na ang kanyang administrasyon upang mailipat ang mga residente ng lungsod na nakatira sa lubhang mapanganib na lugar para matiyak ang kanilang kaligtasan at mabigyan ng disenteng tirahan.
Kasabay nito, nagbabala din si Bautista na mahaharap sa kaukulang parusa ang sinumang opisyal ng barangay na magpapahintulot sa mga informal settler na magtayo ng illegal na istruktura sa kanilang barangay.
Inatasan din ni Bautista ang building official at konseho ng lungsod Quezon na maging mahigpit sa pagbabantay sa mga nagtatayo ng mga delikadong istruktura sa lubhang mapanganib na lugar.