MANILA, Philippines - Nagsasagawa ngayon ng monitoring ang tanggapan ni Manila City Administrator Jesus Mari Marzan hinggil sa mga public toilets sa lungsod na ngayon ay ginagawang barangay hall at mga tirahan.
Ayon kay Marzan, hindi umano maaaring okupahan ng sinuman ang mga public toilets dahil ito ay nakalaan para sa kapakanan ng publiko.
Sinabi ni Marzan na marami na siyang natanggap na reklamo na karamihan sa mga ito ay ginawang barangay hall at tirahan ng mga squatters na nagdudulot na rin ng pagdumi ng lugar.
Sa ipinakitang report ni Marzan, lumilitaw na 47 ang public toilets sa Maynila habang 21 na lamang ang nagagamit ng publiko.
Dahil dito, sinabi ni Marzan na malaking kuwestiyon kung sino ang nagbabayad ng tubig at kuryente ng mga public toilets na ginawang barangay hall at tirahan. Aniya, sa kasalukuyan, ang city government ang siyang nagbabayad ng kuryente at tubig sa mga public toilets.
Ipinaliwanag ni Marzan na kailangan na munang dumaan sa city council ang mga ganitong usapin sakaling nais na I-convert ang public toilets sa barangay hall o ibang istruktura.
Giit ni Marzan, layunin ni Manila Mayor Alfredo Lim na linisin ang Maynila mula sa squatters at mga krimen na kadalasang kinasasangkutan ng mga kabataan.