MANILA, Philippines - Arestado ng pulisya ang dalawa pang nalalabing miyembro ng “Snake Gang” nang matunton ang kanilang pinagtaguang hideout matapos holdapin ng mga ito ang 27-anyos na kawani ng Department of Foreign Affairs (DFA) kahapon ng umaga sa Pasay City.
Kinilala ang mga suspek na sina Ronnick Mosquerio, 18 at 16-anyos niyang kasama na itinago sa pangalang Arjay, kapwa residente ng 528 Tengco St., Barangay 108 ng nabanggit na siyudad.
Kinilala naman ang biktimang si Christian Andrew King, residente ng Brgy. Palanan, Makati City.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas- 7:45 ng umaga sa panulukan ng Emila at Ibarra Sts., Pasay City.
Papasok ang biktima sa DFA at biglang sumulpot sa harapan nito ang mga suspek na naka-motorsiklo at tinutukan ito ng baril hanggang sa nagdeklara ng holdap. Matapos ang panghoholdap kaagad na tumakas ang mga suspek habang agad namang nagsumbong sa pulisya ang biktima.
Sa follow-up operation, nadakip ang mga suspek matapos silang matunton ng mga tauhan ng Special Weapons and Tactics (SWAT) ng Pasay Police sa kanilang hideout sa isang abandonado at bulok ng bahay sa Dolores St., ilang minuto matapos nilang isagawa ang panghoholdap.
Aminado ang dalawa na kabilang sila sa Snake Gang na pinamumunuan ng napaslang na si Jennis Bravo, patunay ang pagpapalagay nila ng tattoo ng malaking sawa sa likurang bahagi ng kanilang katawan.