Payroll tinangay ng riding-in-tandem

MANILA, Philippines - Malubhang nasugatan ang isang empleyado ng isang construction company matapos itong barilin at tangayin ang payroll money na winithdraw nito sa bangko, kamaka­lawa ng umaga sa Pasig City.

Kinilala ang biktima na si Nilo Leal, 53, may-asawa, technician ng PECC Construction and Industrial Corporation at residente ng Makati City na nakaratay ngayon sa pa­gamutan sanhi ng tina­mong tama ng bala sa kanang hita.

Dakong alas-11:50 ka­makalawa ng umaga nang maganap ang insidente makaraang mag-withdraw ang biktima ng P140,000 na pampasuweldo ng ka­nilang kompanya.

Papabalik na ang bik­tima sakay ng kanyang motorsiklo nang harangin ng dalawang suspek na­magka-angkas din sa isang motorsiklo.

Agad umanong pina­putukan ng mga salarin si Leal na tinamaan sa kanang hita saka hinablot ang dala nitong bag na naglalaman ng pera bago mabilis na tumakas.

Patuloy pa rin ang isi­nasagawang imbestiga­syon ukol dito.

Show comments