MANILA, Philippines - “Patay na ang asawa ko, kahit may baril kayo, sabayan na lang tayo.”
Ito ang huling mga katagang sinabi ng isang hindi pa kilalang lalaki na binaril at napatay ng security guard ng Manila International Container Terminal (MICT) matapos mag-amok habang armado ng patalim, kamakalawa ng hapon, sa Tondo, Maynila.
Inilarawan ng pulisya ang nasawi na nasa 35 hanggang 40 anyos, payat, kulot ang buhok, may tattoo na bulaklak sa kanang braso, naka-shorts ng dotted red at orange, at nakasuot ng sando.
Pinaghahanap naman ang suspect na si Edmar Banglos, security personnel na nakatalaga sa Special Reaction Team (SRT) na tumakas bitbit ang ginamit na 9mm. na baril.
Naganap ang insidente dakong alas-3:15 ng hapon kamakalawa, sa loob ng MICT, Empty Container Depot (ECD) Road, South Access, North Harbor, Tondo, Maynila.
Sa salaysay ng saksing si Edgar Maghinay, security guard na nakatalaga naman sa motorcycle unit ng MICT, narinig niya sa ‘radio base’ ang alarma ng kanilang officer in charge hinggil sa pagpasok ng isang lalaki sa ‘restricted area’ ng ECD Road sa MICT kaya agad siyang rumesponde kung saan dinatnan niya na pinagsasabihan ng suspect ang nagwawalang biktima na bitiwan ang hawak na patalim kaya nakipag-negosasyon din umano siya sa biktima.
Nasaksihan umano niya na itinali ng biktima sa kamay ang kutsilyo , sa halip na bitiwan ay nagsimulang sumugod sa kanilang direksiyon habang sinasabi na “Patay na ang asawa ko, kahit may baril kayo, sabayan na lang tayo.”
Dahil sa panganib na makasaksak, nag-warning shot ang suspect subalit inundayan pa rin ito ng saksak ng biktima kaya binaril ito sa hita at kahit may tama na ay patuloy pa rin sa pagsugod sa sekyu kaya tuluyan na itong pinagbabaril sa katawan.
Isinugod pa ng suspect at iba pang security guard sa Ospital ng Maynila ang biktima subalit idineklarang dead on arrival dakong alas-5:00 ng hapon.